Matagal nang pinag-uusapan ang Climate Change, matagal na ring naging isyu ang pagbabago ng klima, mula sa isang pinaka simpleng greenhouse gas effect noong ako ay nag-aaral sa elementarya, hanggang sa pagkalusaw ng mga yelo sa north pole at ngayon ay ang paglubog ng mga lupain at pagkagutom na mararamdaman ng mga tao sa mga darating na panahon.
Noon, ano nga ba ang paki-alam ko sa usaping iyan? at kahit ngayon marami parin akong nakakausap na mas gusto pang pag-usapan ang DOTA, ang mga sex scandal ng mga personalidad sa telibisyon o kaya ay ang chismax ng mga magkakapit bahay.
Subalit habang tumatagal, habang patuloy na binabaliwala ng mga tao ang usaping ito, hindi natin namamalayan, unti-unti na pala natin itong nararamdaman.
Pero babalik tayo sa nauna nang nabanggit, ano nga ba ang paki-alam natin dito? magkakapera ba tayo? sabi ng ilan. May pagkain ba dyan? sabi naman ng iba. May mapapala ba ako dyan? sabi naman ng karamihan.
Pero ito ba ang usapin kapag pinaguusapan ang Climate Change? Normal lang naman na magbago ang Klima. Minsan uulan, minsan aaraw. Sa ibang bansa, minsan uulan, minsan aaraw, minsan yelo, minsan mahangin. Pero ang hindi natin alam, marami ang nagbabago sa normal na pangyayaring ito.
Ang minsang pag-ulan ay dumadating ng sobra sobra. Akala natin ay may bagyo lang subalit trahedya pala ang magaganap gaya nito:
walang mag-aakala na ang simpleng bagyo na akala natin ay normal, isang simpleng pag-ulan na normal sa pagbabago ng klima ay delubyo pala ang magaganap sa ating bansa.
at minsan, ang tag-araw na akala din nating normal ay binabalot tayo ng isa ring problema, ang pagka-ubos ng tubig, pagkatuyo ng mga lupa, gaya nito:

at ang dalampasigan na akala natin normal lang ang mga alon, normal lang ang malakas na hangin, iba pala ang gustong iparating. gaya nito:

pero bakit ba sa tuwing magaganap ang mga bagay na ito, hindi parin tayo natututo? bakit hindi parin natin maisipang gumawa ng mga bagay para pigilan ito? Dahil normal ang lahat ng bagay?
Hindi ko na kailangan pang ipakita ang lahat ng mga larawang magpapatotoo sa usapin ng klima, dahil alam ko, na ikaw, OO!
IKAW MISMO ay naranasan ang mga bagay bagay na ito. mas gugustuhin mo bang mag-DOTA nalang habang bumabaha ang iyong paligid? nakakatuwang ang mga kawad ng kuryente na nakakainis dahil sala-salabit ang kabit sa kalsada ang syang mahihingan mo ng tulong para maka tawid at makapunta sa mataas na bahagi. mas gusto mo pa bang manood ng mga scandal habang may malaking alon na paparating at kakainin ang lahat ng madadaanan nito? mas gugustuhin mo pa bang makipag chismisan habang ang mga lupain ay natutuyo at walang nang palay o gulay ang matatanim?
Ano ang pwede nating gawin? makiisa at gumawa ng mga paraan para makatulong sa pagbalanse ng kalikasan. ang isang simpleng pag-aayos ng basura at pag-segregate sa kanya ay isa nang malaking tulong. Re-use, Reduce, Recycle! ang hindi paggamit ng plastic hanggat maari, ang pagpatay sa mga nakasaksak na kagamitang hindi ginagamit, mga simpleng bagay na kadalasan hindi pa natin nagagawa. Hindi natin dapat hayaang magkaganito ang ating mundo, may magagawa tayo!
Dahil ang klima, ay hustisya!
Subalit sino ba talaga ang may malaking ambag sa nagaganap na krisis na ito? Walang iba kundi ang mga malalaki at maunlad na bansa na malakas maglabas ng tinatawag na CO2 o Carbon Dioxide. Ang mga pagawaang naglalabas ng mga nakakalasong mga usok at kemikal, ang mga minahan na naglalabas ng carbon mga plantang nagbubuga ng makakapal at maiitim na usok. Sa kanilang pagyaman, sa kanilang pagsira sa kalikasan, sa kanilang makasariling pagnanasa na ubusin ang lahat ng likas na yaman, tayo ang nagiging biktima ng kanilang kahibangan. Ang kawalang hustisya na ginagawa nila sa kalikasan at sa mga tao, na kahit tayo mga ordinaryo ay sumasabay. nakakalungkot!
Hindi natin pinapansin ang mga bagay bagay na ito na mahalaga sa buhay ng tao, ng milyon milyong tao, at kahit ang lahat ng hayop at may buhay. dahil sa kanilang kasakiman sa likas na yaman na ginagamit at paglalabas ng mga nakakalasong kemikal at usok, tumitindi ang init, dumadami ang tubig na bumabagsak tuwing umuulan, natutuyo ang mga lupa na darating ang oras na wala na tayong matatanim, wala na tayong makakain, darating ang oras na matutuyo ang lahat at kahit ang tubig ay hindi na natin maiinom.
hanggat walang tayong ginagawa, dadating ang maraming trahedya na magdadala sa ating sarili sa hukay, ang pagkasunog ng mga puno sa kagubatan, na magreresulta sa pagkamatay ng maraming mga hayop, ang pagkatunaw ng mga yelo sa north pole na unti-unting lulubog ang mga lupa o bansang maliliit at hanggang sa paglala ay kahit ang bansa mo ay masasama din.
wag na nating hintayin ang mga bagay na ito na maganap. may oras pa, kailangan mo lang makialam! hindi isang biro ang mga bantang ito. KILOS NA!
